Search This Blog

07 August 2012

Lawrence Fajardo's "Posas" (Rebyu): Dapat Panoorin



Sa isang sosyal na mall, mapapanood mo ang “Posas,” sa direksiyon ni Lawrence Fajardo at sa panulat ni Zig Dulay. Sa 150 minuto, pinakita nang pelikula ang realidad ng lipunang Pilipino sa pamamagitan ng isang simpleng nakawan sa Quiapo. Nagtagpo ang mga landas ng isang edukada at mayamang call center agent, isang snatcher at ang kaniyang ina at kapatid, isang gay at ilang membro ng pulisya.

Sa aking opiniyon, nais ipahiwatig ng pelikula na ang lipunan ay hindi tulad nang magkakahiwalay na mga distrito.  Alam natin sa Kalakhang Maynila, may mga lugar na dikit-dikit ang mga bahay at halos pare-pareho ang antas ng buhay ng nakatira.  Ang iba namang lugar ay may biyaya ng proteksyon ng isang magandang village gate na may bantay na maraming security guard.  Ang ilan sa atin ay may pinag-aralan at nagkaroon nang magandang trabaho para makabili ng mga kinakailangan sa buhay tulad ng bahay, pagkain, kotse at siyempre cell phone.  Ang karamihan naman sa atin ay hindi nakatungtong sa paaralan at napipilitan lamang humanap ng ibang paraan para mabuhay.  Subalit pinapakita ng “Posas” na hindi maiiwasan ng sinuman ang realidad ng kahirapan sa lungsod.  Sa lipunang kakaunti ang “mayroon” at dumarami ang “walang-wala,” magtatagpo at magtatagpo ang landas ng bawat isa.  Ang lubos na kahirapan ay hindi kayang ikulong o ibakod. Ang buhay sa lungsod ay parang isang masalimuot at napakalaking sapot ng isang gagamba.  Ang nagdidikit ay ang ating bawat galaw at desisyon, mayaman o mahirap ka man. Ang desisyon natin ay nakakaepekto sa ibang tao.   


Sa gitna ba ng sapot na ito ay ang pulisya bilang isang grupo ng gagamba? Marahil hindi, sapagkat may mas malalaki pang gagamba sa ating lipunan. Sila ang nasa gitna ng sapot.  Ang mga pulis na tinampok sa “Posas” ay isa lamang sa napakaraming gagamba sa ating bansa.  Ang dapat nating matanto ay kung wala ka sa poder ng otoridad o may kapangyarihan, ikaw ay isang insekto, mayaman o mahirap man.  Lahat tayo ay gumagapang sa sapot. Marahil ang mga may kaya sa buhay ay hindi nararamdaman ang pagkagapos sa sapot subalit pinapakita ng “Posas” na lahat tayo at magkakasamang nakaposas na pinag-lalaruan lamang ang isa’t isa bago lamunin ng mas malaki sa atin.    Ang sapot ng ating lipunan ay puno nang mga maliliit na eskinita kung saan ang mga maliit at malalaking gagamba ay maaring gumalaw at ipitin ang kanilang nais ipitin at gamitin sa kanilang pansariling kapakanan kung sino man ang kanilang mahuli.

Kung nahablot o nadukot man ang ating mamahaling cellphone, maaring ikadismaya lang natin ito, maliban na lang kung may laman ang cellphone ng mga bagay na magdudulot nang mas malaking kawalan sa atin, tulad ng contact numbers o mga maseselang litrato o video na ating ikahihiya.  Subalit sa ibang magnanakaw, ang halaga ng isang cellphone ay maaring pangtawid buhay mula ngayon at bukas, marahil sa isa pang bukas.

Sa isang banda, diretso ang mensahe ni Fajardo sa manonood tulad nang pagdagdag sa isang eksena ng paglilitis sa dating Punong Hukom na Renato Corona.  Subalit, sa isang banda, hinahayaan rin ni Fajardo na ang kwento at ang mga karakter ang maghatid ng kaniyang mensahe.  Matapang ang batikos ng “Posas” sa pulisya subalit ipinakita rin ang kakulangan nila sa sweldo at gamit.  Hindi rin lubusang pinagtanggol ng pelikula ang mga mahihirap na kriminal.  Marahil nais ipahayag ng pelikula na hindi lamang ang kahirapan o corrupt na pulis ang problema sa bansa.  Alam naman nating lahat na ang mayayamang magnanakaw ay laging nakakawala at napapatawad basta “mag mukhang kaawa-awa” lang tulad nang binanggit sa pelikula.  Halimbawa na dito ang “awa” gimmick nila Arroyo at Corona.  Ang suliranin sa bansa ay ang bulok na sistema na naiukit na sa ating kamalayan. Ang bulok na sistema ng gobyerno ay isa lamang sintomas. Marahil ito ang isa sa nais ipahiwatig ng “Posas.”  Tayong lahat ay nakaposas na sa sistemang bulok kung saan karamihan, tulad ko, ay nagbubulag-bulagan.  Gagawin ang lahat, basta lang huwag maabala sa pag-aakalang makakaalis tayo sa pagkaposas sa sapot. 

Nakalulungkot na kakaunti lang ang makakapanood ng “Posas,” maliban na lang kung magwagi ito ng mga gantimpala sa ibang bansa.  Siguro ay maganda kung masigasig na himukin ang mga kabataan at mag-aaral na panoorin ang ganitong pelikula para habang mura pa ang pag-iisip ay maumpisahan na nilang kalasin ang mga posas sa kanilang pag-iisip.   

Ang realidad sa “Posas” ay hindi tulad ng artipisyal na realidad na kalimitang nakikita sa mga pelikula mula sa mga naglalakihang film production company tulad ng Star Cinema, GMA Films, Regal Films, Viva Films at iba pa. Nakakamangha rin na sa sinehang aking pinuntahan, halos wala pang sampo ang nanood at karamihan sa amin ay halata namang may konting kaya sa buhay, dahil nag-i-Inggles.  Ito ang balintunay (irony) ng industriya ng pelikulang Pilipino.  Tanging ang mga edukado at may pera lamang ang tumatangkilik sa mga sining maaring  mag-mulat sa manonood na Pilipino, habang ang karamihan ay kinikilig sa mga love teams sa pelikula.

Pero mukhang mas kagiliw-giliw "talaga" ang “Step Up Revolution” kung saan ang rebelyon ay nasa anyo ng sayaw ng mga magaganda at matitipunong Amerikano.  Nakikita ko na! Step Up Manila! Calling Star Cinema and GMA Films! Hello!

Susan Africa at Art Acuña
Use of Non-Free Media Rationale. Click Here

PAPURI:
Mahusay ang pagganap ng bawat aktor sa “Posas,” pangunahin man o katulong na aktor.  Papuri kina Bangs Garcia, Nico Antonio, Nor Domingo, Jake Macapagal at John Lapus. Bukod tangi sa akin ang pagganap ng dalawang aktor. Si Art Acuñna kung sana ay may hustisya sa industriya, ang gaya ni Acuna ang dapat sikat at hindi ang mga pretty boys na manipis umarte. Si Susan Africa na may maikling papel subalit makikita mo ang kahusayan niya bilang isang aktres, mula sa kaniyang itsura, pagkamot sa ulo, pagsampal sa anak, paraan ng pagtindig at pagbigkas ng mga salita.  Halatang lubos na inaral ng dalawang aktor ang kanilang karakter.  (First published in “The Chair” Blog)

Pahuling Salita:
Isinulat ko ang sanysay na ito sa Starbucks sapagkat ako ay isang ipokritang kasalukuyang nagpapa-rehabilitate.  Kung may nakita po kayong mali sa aking bararila, pakisabi na lang po. Pasensya, ako po ay isang "miseducated" Pinoy.

4/5


No comments:

Post a Comment

DISCLAIMER
The other contributing writers and members of this publication and our advertisers do not necessarily share the opinions of the writer of the article above. (Hindi nangangahulugan na sang-ayon ang mga ibang manunulat, miyembro ng babasahing ito at aming advertisers sa mga opiniyon ng may akda ng sanaysay na nakasulat sa itaas)

COMMENTS POLICY
Brun Philippines encourages readers to focus solely on the issues when commenting or criticizing. We do not allow foul language and personal attacks on any individuals. You may only comment on a public person’s beliefs and actions. We strictly screen people who will leave comments, and only comments from readers with full names will be posted. Freedom of speech also includes responsibility. We want to weed out the buffoons from the critical and freethinkers. Thanks so much.

(Hinihikayat ng “Teapot” (Tsarera) ang mga mambabasa na tumutok lamang sa mga isyung pinag-uusapan sa pagkomento o pagpuna. Hindi namin pinapayagan ang napakaruming wika at personal na pag-atake sa sinumang indibidwal. Maari lamang punahin ang aksiyon at paniniwala ng isang publikong indibidwal. Istrikto naming sinasala ang mga taong nagkokomento at tanging ang mga komento mula sa mambabasa na ginagamit ang buong pangalan ang aming ipapaskil. Kaakibat din ng kalayaan sa pananalita ang responsibilidad. Gusto naming alisin ang mga luko-luko mula sa kritikal at malayang mag-isip. Maraming salamat po.)

Follow by Email

NEVER AGAIN!

NEVER AGAIN!
Brun Philippines joins the nation in remembering the evils of Martial Law and the fight to bring to justice those who are responsible for the human rights violations and other atrocities committed

WHO DID OUR READERS CHOOSE?

WHO DID OUR READERS CHOOSE?
Click banner above to see full list of winners