Search This Blog

01 January 2013

Pelikulang Pilipino: "Ipahiya ang mga Mayayaman at mga Lider ng Bansa sa Pelikula"



Isang Mapagkumbabang Mungkahi sa mga Independent Filmmakers at Ilang Prodyuser na may Obaryo (o sige na Bayag din).

Tanong: “Bakit Independent Filmmakers lang?”
Sagot: “Asa ka pa sa Mainstream Studios!”

Marami nang mga pelikula tungkol sa kahirapan ng Pilipino.  Marami na rin mga batikang direktor ang naging matagumpay sa pagsasalarawan ng tunay na mukha ng paghihikahos sa bansa. Iba’t ibang uri ng estilo na ang nagamit: komedya, drama, aksyon, dokumentaryo, eksperimental at maging musikal.

Sanay na rin ang mga parokyano ng mga mararaming film festival sa ibang bansa na makapanood ng pelikulang tungkol sa kahirpan sa Pilipinas, kaya nga sumikat ang katagang “poverty porn.”  Tulad nang sinabi sa “Ang Babae sa Septic Tank,” mas makakakuha ka ng gantimpala sa ibang bansa kapag kahirapan ang iyong paksa. Sa sobra nating kahirapan, naging isang “art form” na tuloy.  Hindi lang mahirap ang Pilipino, we are “artfully, deliciously and subversively impoverished!”  This makes good art. 


Subalit nakakatulong ba ang ganitong pelikula para mabago ang lipunang Pilipino?  Noong nakaraang taon, namangha ako sa ganda ng pelikula ni Lawrence Fajardo na “Posas.” Subalit matagal nang alam na mga Pilipino na suwail ang ilang pulis.  Bukod dito, hindi tinangkilik ng malawakan ang “Posas.” Mukhang mas kumita pa ata ang “The Strangers”  ni direktor Fajardo.

Napapahiya pa ba ng mga “poverty porn films” ang ating mga opisyal sa gobyerno? Tumatagos pa ba sa makakapal nilang balat ang matalim na punto ng mga pelikulang ito?  Nasabi na ata ang lahat nang dapat sabihin tungkol sa tunay na anyo, dahilan at epekto ng kabulukan sa lipunang Pilipino sa mga pelikulang tulad ng “Bayan Ko, Kapit sa Patalim,” “Insiang,” “Manila By Night,” “Manila sa Kuko ng Liwanag,” “Himala,” “Kisapmata,” “Angela Markado,” “Batch ‘81” at ilang bagong klasiko tulad ng “Kinatay,” at “Lola.” Wala namang nagbago sa kahirapan ng bansa. Maari mong panoorin ang mga pelikulang aking nabanggit, at akmang akma pa rin sa kasalukuyan.

Hindi na kailangan buksan pa ang pag-iisip ng ordinaryong manonod sa realidad?  Matagal nang bukas ang aming isipan kaya nga gusto na naming makalimot. Siguro ito ang dahilan kung bakit patok na patok ang “Sisterakas.”    

Sa aking palagay, kung minsan, mas ginagawa pang normal at katanggap-tanggap ang kahirapan dahil sa mga “poverty porn films.”  Nagsasawa na ang mga manonood.  Bakit pa nga kami manonood ng pelikulang nagsasalarawan ng krimen, katiwalian at kahirapan sa lipunan? Napapanood naman namin iyan sa balita tuwing gabi o nararanasan sa araw araw na pamumuhay.  Para na lang iyan sa mga feeling “intellectual” na gustong mag-usap sa isang mamahaling coffee shop.

Dagdag pa, sa ating mga ilang artista, ang pagtampok sa mga “poverty porn films” ay isa lamang oportunidad para magpakita ng gilas sa pag-arte at magkaroon ng award para magka-kredibilidad kuno.  Matapos, balik gawa uli ng mga escapist projects at mga pelikulang sumasalungat naman sa kahirapan.  Pera pera lang siyempre. Hindi mo masisisi. Lahat takot maghirap, kahit artista.

Yumayabong ang independent cinema ng bansa.  Kahit gaano man ito apihin ng mainstream studios o sadyang balewalain ng mga manonood tulad ng nangyari sa “Thy Womb” ni Brillante Mendoza, patuloy pa rin uusbong ang independent cinema sapagkat ang bulok ay hindi laging magtatagal.  Dadating ang panahon na mababahuan din ang manonood. Tingnan mo ang nangyari sa Pinoy action movies.

Subalit kung ang layunin talaga ng mga ilang alagad ng pelikulang Pilipino ay mapabago ang ating lipunan at gisingin o kung maari, galitin ang ordinaryong mamamayan, kailangan itigil muna ang paggawa ng mga “poverty porn films.”

Naiintindihan na naming ordinaryong Pilipino ang kahirapan. Ang hamon sa mga direktor, manunulat, aktor at prodyuser ay kung paano ito ipaiintindi sa mga iilang mayayaman at mga manhid na lider ng bansa? 

Bakit hindi sila ang ating ipahiya? Bakit hindi sila ang takutin kapag nalaman ng buong bansa kung gaano talaga sinasamsam nila ang yaman ng bayan?

Imbes na gumawa ng “poverty porn films,” bakit hindi gumawa ng mga pelikulang nagsasalarawan ng kabulukan ng mayayaman. Hindi yung kabulukan na isinalarawan ng “No Other Woman” ang aking tukoy. Hindi iyon!  Bakit hindi gumawa ng pelikulang talagang nagpapakita kung gaano karangya ang iilang pamilya sa bansa, at kung saan nila kinukuha ang kayamanan nila? Bakit hindi sila ang ipahiya sa buong mundo? Bakit laging ang mga mahihirap ang pinapahiya?  Bakit hindi rin ipakita kung gaano kabulok ang sistema ng ating pulitilka?  Bakit laging bida si Cory at kontrabida si Imelda? Pareho naman silang nasa itaas.

Bakit wala pang gumagawa ng Imelda Marcos story? Hindi yung tulad ng musikal ni David Byrne at Fatboy Silm!  Bakit wala pang gumagawa ng pelikulang tungkol sa kabulastugan ng mga Senador at Kongresista?  Hindi ba yung debate sa RH bill lang komedya na? Challenging hindi ba sa isang artista na gampanan si Senadora Santiago, Senador Sotto at Senador Enrile. 

Napakaraming kwento tungkol sa mga oligarka at lider sa kaitaas-taasan ng gobyerno, hindi kailangan “true story,” maari namang fiction pero base sa realidad.  Siguro kinakailangan lang ng mga direktor at prodyuser na may obaryo (o sige bayag din) para gumawa ng ganitong pelikula.

Sabi ko nga sa aking sarili, kung manalo lang ako ng lotto o magkapera nang malaki, ako na mismo ang mag-pro-produce (paraphrasing Nora Aunor). Sa kasamaang palad, tulad ng karamihan ng mga guro, hindi pa kasya ang kinikita ko sa pang tustos sa aking pamilya.  Tapos pa niyan, tayo pa ang pinapahiya sa pelikula at sa ibang bansa. Pero sino ba naman akong nagdudunong-dunungan. Chos!

Who wants to make “Les Luisitables, the Musical?”  Anyone? Anyone? 

First Published in "The Chair" Blog

No comments:

Post a Comment

DISCLAIMER
The other contributing writers and members of this publication and our advertisers do not necessarily share the opinions of the writer of the article above. (Hindi nangangahulugan na sang-ayon ang mga ibang manunulat, miyembro ng babasahing ito at aming advertisers sa mga opiniyon ng may akda ng sanaysay na nakasulat sa itaas)

COMMENTS POLICY
Brun Philippines encourages readers to focus solely on the issues when commenting or criticizing. We do not allow foul language and personal attacks on any individuals. You may only comment on a public person’s beliefs and actions. We strictly screen people who will leave comments, and only comments from readers with full names will be posted. Freedom of speech also includes responsibility. We want to weed out the buffoons from the critical and freethinkers. Thanks so much.

(Hinihikayat ng “Teapot” (Tsarera) ang mga mambabasa na tumutok lamang sa mga isyung pinag-uusapan sa pagkomento o pagpuna. Hindi namin pinapayagan ang napakaruming wika at personal na pag-atake sa sinumang indibidwal. Maari lamang punahin ang aksiyon at paniniwala ng isang publikong indibidwal. Istrikto naming sinasala ang mga taong nagkokomento at tanging ang mga komento mula sa mambabasa na ginagamit ang buong pangalan ang aming ipapaskil. Kaakibat din ng kalayaan sa pananalita ang responsibilidad. Gusto naming alisin ang mga luko-luko mula sa kritikal at malayang mag-isip. Maraming salamat po.)

Follow by Email

NEVER AGAIN!

NEVER AGAIN!
Brun Philippines joins the nation in remembering the evils of Martial Law and the fight to bring to justice those who are responsible for the human rights violations and other atrocities committed

WHO DID OUR READERS CHOOSE?

WHO DID OUR READERS CHOOSE?
Click banner above to see full list of winners