Search This Blog

21 September 2013

Sampaguita Hunks (Updated Version)

Kapag narinig mo ang salitang sampaguita, hindi ba’t ang imahe ng isang musmos ang sumasagi sa iyong pag-iisip.  Minsan ay gusgusin at nakatsinelas lamang; maamo ang mukha at may tangang mga mababangong kuwintas ng sampaguita. Ang bata ay kalimitang nasa labas ng simbahan, o sa makabagong panahon, sa labas ng mall [ang bagong simbahan ng Pilipino].  Hihimuking ka ng bata, “Bili na po kayo para po makauwi ako? Sige na po. Para pambili ng pagkain lang po.”  

Noong unang panahon, hindi ka magdadalawang isip na bumili bago o pagkatapos mong magsimba, sapagkat alam mong ang pera ay mapupunta sa pamilya ng bata.  Magagamit mo rin ang bulaklak na kuwintas para isabit sa mestisang Mahal na Birhen na may asul na mata o sa mala-Kastilang Hesu Kristo na matangos ang ilong.   Ngunit sa panahong ito, kalimitan ay binabaliwala natin ang mga “batang sampaguita” sa kalye at sa harap ng mga malls sapagkat hinala natin na ang pera ay baka gamitin lamang para pangbili ng “rugby,” mapunta sa sindikato o gawing pantustos sa paglalasing o anumang bisyo ng kanilang mga magulang.

Minsan ay naiinis pa tayo dahil napakaganda ng ating mood matapos mapanood ang isang Filpino indie film na sumasalamin sa kahirapan ng bansa  at nakapaka-intektwal ng ating usapan kasama ang kaibigan habang umiinom ng latte, cappuccino, frappuccino at green tea soy latte sa Starbucks. Pagkatapos sa ating pag-uwi, habang humahalakhak pa at umpisahang sinisindihan ang yosi, gagambalain ka [o i-ha-harass] ng isang batang pinipilit ibenta ang kanyang sampaguita. Hindi ba’t nakakainis sila ngayon? Kasi kahit sinabi mo nang “hindi,” susundan at susundan kapa pa rin habang naglalakad at nag-aabang ng taksi.  Isa na siyang uri ng intimidasyon at para lang tumigil, mapipilitan kang bumili.  Aaminin ko, magandang istratehiya iyan. Likas na marketing genius ang mga bata ngayon o may mga magagaling silang sales trainors. Sino kaya ang nagturo sa kanila?  Hindi katulad ng dati, isang musmos na nakatayo sa harap ng simbahan, ipinapasa-diyos na lamang ang lahat at umaasa sa awa ng mga nanampalataya.

Ngunit ang lahat na ito ay walang binatbat sa bagong kalakaran.  Ngayon, hindi isang cute¸ kaawa-awang payat at gusgusing bata ang bagong bituin ng kalye.  Ang mga “Sampaguita Hunks” na ng Monumento ni Andres Bonifacio ang bida.  Minsan ay mukha pa ring dugyutin ngunit hindi na bata.  May mga 25 – 35 ang edad, may mataba, matipuno, may ibang payat pa rin ngunit may pagkabarako at sanggalo ang dating.  Minsan walang damit pag-itaas, hunks nga eh. Naku walang binatbat sa torso exposure sila Derek Ramsay at Jake Cuenca sa kanila. Kahit malaki ang tiyan, labas pa rin.  May mga hawak na kuwintas ng sampaguita na tila hindi nababawasan.  Minsang isang damukol ang hawak; minsan ay iisang piraso lamang.  Marami man o kaunti, halatang hindi pagbebenta nito ang kanilang prayoridad. Ang kanilang target ay ang mga kundoktor ng pampasaherong bus.  Kapag dumating na ang mga bus sa Monumento, magtatawag sila ng pasahero at matapos ay hihingi ng barya sa kundoktor. Teka, hindi ba ito ang trabaho ng mga “barkers?”  Oo nga, subalit multi-disciplinary na ang trabaho sa kalye.  Baka ngayon, pwede kanang maging barker at sampaguita street vendor? Welcome to the New Philippines!   Mga higit na dalawang taon ko na silang nakikita sa Monumento. Lumalabas lamang sila tuwing umaga, rush hours. Kapag tinatanghali kasi ako ng pasok, hindi ko na sila nakikita.  Noong 2011, sinubukan mag-branch out ang kanilang talent management center dahil may nakita na akong “Sampaguita Hunk” sa may North Avenue MRT Station subalit nawala na rin sila.  Hindi ko na alam kung may mga iba pang “Sampaguita Hunks” sa ibang istasyon ng MRT o mga ibang intersekyon.

May mga tanong lang nga ako?  Kung may hawak silang kuwintas ng sampaguita, bakit hindi nila ito binebenta hangang maubos? Bakit hawak-hawak lang?  Kung barker pala sila, bakit kinakailangang may tangang bulaklak? Trend ba ito?  Bakit kalimitan nasa “no loading and unloading zone” sila?  Bakit kalimitan yung mga bus din ay tumitigil din sa“no loading and unloading zone” at nagtatagal ng halos 15 minuto o higit kahit galit na ang mga pasahero dahil huli na sila sa trabaho? Natatagalan ba ang mga bus driver at kundoktor sa pagpili ng mga sampaguita? Bakit minsan yamot na yamot ang kundoktor kapag pinipilit nga ilan sa mga “Sampaguita Hunks” na bumili ang kundoktor ng sampaguita? May obligasyon ba ang mga bus operators na bumili ng sampaguita? May membership ba dito?  May quota ba? Maari ba akong bumili sa kanila o hindi sila nagbebenta sa indibidwal? Bakit minsan hindi kinukuha ng kundoktor ng bus ang biniling buklaklak?  Sa loob ng dalawang taon, tatlong beses ko lang nakitang kinuha ng kundoktor ang biniling kuwintas at isinabit sa salamin sa harap ng driver. Ibig sabihin ata niyon, “God bless this trip.”  Bakit minsan ay nawawala o hindi ko nakikita ang mga MMDA o pulis kapag rumarampa ang mga “Sampaguita Hunks?” Pero minsan, nakita ko yung isang “Sampaguita Hunk”  ay lumapit sa isang pulis at hmmm hmmm hmmmm.  Malaki kaya ang kita ng mga “Sampaguita Hunks?” Bakit hindi pa kaya sila kinukuhang modelo ng Bench, Penshoppe, Oxygen, o Folded & Hung? May mga manager ba sila?  Ano kaya ang sasabihin ni Ka Andres Bonifacio na masusing nakatingin sa dulo ng LRT Station sa dulo ng Rizal Avenue?

Siyempre bilang masayahing ipokrita [Happy Hypocrite], sinulat ko ito para dumami ang mga mambabasa ko sa aking blog at para kunwari concerned sa Philippine society because "I believe that children are our future. Teach them well that what is essential is invisible to the police, ay naku! I mean, the eye." That is all. Thank you.

Updated: September 21, 2013
(First published in “The Chair” Blog on November 22, 2011)

PAHABOL
May mali ba sa aking Filipino? Ako po ay isang mis-educated Pinoy. Marunong mag-Tagalog subalit hindi naturuang maging bihasa sa pagsusulat sa wikang Filipino. Kung may mali man, pakisabi. Maraming salamat po.

No comments:

Post a Comment

DISCLAIMER
The other contributing writers and members of this publication and our advertisers do not necessarily share the opinions of the writer of the article above. (Hindi nangangahulugan na sang-ayon ang mga ibang manunulat, miyembro ng babasahing ito at aming advertisers sa mga opiniyon ng may akda ng sanaysay na nakasulat sa itaas)

COMMENTS POLICY
Brun Philippines encourages readers to focus solely on the issues when commenting or criticizing. We do not allow foul language and personal attacks on any individuals. You may only comment on a public person’s beliefs and actions. We strictly screen people who will leave comments, and only comments from readers with full names will be posted. Freedom of speech also includes responsibility. We want to weed out the buffoons from the critical and freethinkers. Thanks so much.

(Hinihikayat ng “Teapot” (Tsarera) ang mga mambabasa na tumutok lamang sa mga isyung pinag-uusapan sa pagkomento o pagpuna. Hindi namin pinapayagan ang napakaruming wika at personal na pag-atake sa sinumang indibidwal. Maari lamang punahin ang aksiyon at paniniwala ng isang publikong indibidwal. Istrikto naming sinasala ang mga taong nagkokomento at tanging ang mga komento mula sa mambabasa na ginagamit ang buong pangalan ang aming ipapaskil. Kaakibat din ng kalayaan sa pananalita ang responsibilidad. Gusto naming alisin ang mga luko-luko mula sa kritikal at malayang mag-isip. Maraming salamat po.)

Follow by Email

NEVER AGAIN!

NEVER AGAIN!
Brun Philippines joins the nation in remembering the evils of Martial Law and the fight to bring to justice those who are responsible for the human rights violations and other atrocities committed

WHO DID OUR READERS CHOOSE?

WHO DID OUR READERS CHOOSE?
Click banner above to see full list of winners