Search This Blog

01 January 2014

Kung Naiingayan ka sa Karaoke o Videoke, Ikaw ay "Kaaway ng Kulturang Pinoy"

Bagong taon na! Panahon na pribadong konsyerto ng bawat Pilipino.  Hitik ang bawat komunidad ng mga videoke machine at karamihan ng mga tao nag-aastang Regine Velasquez, Jaya, Jessica Sanchez, Christian Bautista at Ogie Alcasid. Sa aming lugar, karaniwan na ang itodo ang volume ng videoke machine para marinig ka ng buong village, at hala bira ng “On the Wings of Love,” “Nang Dahil sa Pag-ibig,” “I’m the One Who Loves You,” o “Heart of Mine" at ang walang kamatayang "Pusong Bato" o "Butterfly." Walang pakialam kung may kapangitan ang boses at sintunado. Pakialam ba ng iba! May karapatan akong kumanta! Kung naiingayan sila, pwes, kumanta rin sila. At minsan nga, ganuon ang nangyayari, kaliwat’t kanan, may videoker wars.

Kahit sa akin mga magkakaibigan, sikat na sikat ang videoke. Kapag may handaan o outing, requirement na many videoke machine. Puwera na lang kapag may kasosyalan ang lugar at bawal ang biritan o kaya limitado ang oras.  Isa rin sigurong indikasyon ang economic status ng isang Pinoy, kapag mas mayaman at sosyal, mas hindi karaniwan ang karaoke subalit hindi rin natin masasabi. Malay mo, biritera rin si Tessa Pierto o si Tintin Cojuangco.

Likas na mahilig kumanta ang mga Pinoy. Kahit nasa ibang bansa man tayo, birit pa rin ang Pilipino singer. Kahit ba nasa isang mall sa ibang bansa, may kakanta pa rin Pinoy kahit sintunado.  May kwento nga sa akin ang isang OFW na kaibigan, nag-awitan daw sila sa kanilang apartment building, at hindi lumaon at biglang nawalan sila ng kuryente. Inakala nila na black out subalit nang tumingin sa bintana, ang kwarto lamang nila ang walang ilaw. Sa katunayan, binaba ng building supervisor ang kanilang electric switch dahil marami nang ibang tenant ang nagrereklamo sa ingay ng kanilang awitan.

Kung may stereotype ng isang Pilipino, iyan ay isang taong mahilig sa videoke, karaoke, sing-along, KTV o anu pa mang maaring ituring.  Sa katunayan, ang komedyanteng taga-Canada na si Russell Peters ay nagabiro na tungkol sa mga Pilipino. Sa kaniyang stand-up act, palabiro niyang sinabi na nahulaan na daw niya na Pilipino ang ilan sa mga manonood sapagkat nakatingin ito sa kaniyang mikropono.  Biro ni Peters na may Filipino accent, “I hope this Bombay hurry up with the show because uh, I want to get up there and sing. Putang ina, hurry!” Hindi nakakainsulto ang dating ng biro ni Peters, sa katunayan pa nga, mas napamahal pa siya sa mga Pilpinong manonood at may mga iba pa siyang positibong biro sa mga Pinoy at Indian na OFW.

Subalit minsan, ating aminin na sobra na ang biritan na umaabot ng a las dose ng umaga at higit pa. May mga tao rin namang gustong matulog.  Minsan, inutusan ako ng aking ina na kumatok sa kapitbahay para hilingin na kung pwede itigil na ang kantahan o kaya hinaan lang dahil hindi siya makatulog, at kung hindi siya makatulog, tataas ang kaniyang blood pressure at baka dalhin na naman sa ospital. Okay lang kung isa lang ang kakausapin, pero paano kung maraming kapitbahay ang nagko-konsyerto. 

May ilang beses na rin akong nasabihan na “kill joy” o napaka-boring ko daw. Minsan sasabihan ka na pangit siguro ang iyong boses kaya naiinggit lang. Aminado na napakapangit ng aking boses kaya ayokong i-torture ang iba subalit iyon ay aking choice. May karapatan ang sinumang umawit. May kalayaan ang bawat Pilipino.  Kaya hindi ko sinunod minsan ang aking ina. Pinabayaan ko na lang mag-biritan ang mga kapitbahay. Sinarado ang mga bintana at pina-inom ko na lang ng camomile tea para makatulog.  Mahirap maging kaaway ang maraming kapitbahay. 

Sa aking karanasan, kapag nag-reklamo ka sa malakas na awitan, ikaw ay “Kaaway ng Kulturang Pinoy. “

Sabi nga ng napakaraming Pilipinong beauty queens, “I want world peace.”  Ako rin, gusto ko ng “world peace,” at kung pwede rin, paminsan minsan “peace and quiet” after 10 P.M.

That’s all, thank you.

UPDATE:

Ika-11 ng Enero, 2014

Nagsimula mag-karaoke ang aming kapitbahay ng mga bandang alas kuwatro ng hapon.  Napakalakas ng tunog at sintunado ang boses subalit normal lang naman iyon at maaga pa. Walang masamang maglibang. Subalit nang mga ika-10 ng gabi, hindi na kagagalang-galang ang pag-awit ng napakalakas sapagkat may mga kapitbahay tayong nais matulog o nais ng konting privacy. Dahil kami ang pinakamalapit, mas dinig namin ang ingay ng videoke. Kumatok ako sa gate nila para makiusap. Tutal ika-10 na ng gabi, sapat na ang humiling na kung pwede hinaan ang tunog. Kumatok ako sa kanilang gate kung saan malapit sila nagkakantahan. Sabi ko na may malumanay na boses,

“Magandang gabi po. Pwede po hinaan nang konti yung sound kasi po hindi makatulog ang nanay ko, tumataas po yung blood pressure. Delikado”  

Walang sinabi ang sinuman na nagkakantahan, o kumakain o umiinom.  Wala rin humingi ng paumanhin sa kalakasan ng kanilang awitan. Pumunta ang isang babae sa videoke machine at may pinihit, hininaan ng konti sa aking palagay. Sabi ko, “Maraming salamat po,” at ako’y umalis.

Pagdating sa bahay, narinig kong  sinabi ng isa sa aming kapitbahay na galit, “Huwag na nga tayo kumanta!”

Tumahimik ng ilang sandali, mga 30 segundo at umawit muli sila at halos walang pagbabago sa lakas ng tunog. Natapos lamang sila mga limang minuto bago maghating-gabi. Kung nakatira ka malapit sa aming lugar, sigurado ako kilala ninyo sila o kung hindi man, naririnig ninyo sila.

Sigurado, ako ang lumabas na masama sa kanila dahil sa aking kahilingan, subalit naniniwala pa rin ako na mas higit na marami pang Pilipino ang may magagandang asal at may respeto sa kapitbahay.  Iyan ang sabi ng aking guro sa publiko at mabababang paaralan sa may Valenzuela.

Ilang sa mga inawit ng aking Kapitbahay (11 Enero 2014)
Sinubaybayan ko lang matapos ko silang kausapin subalit binaliwala kami (lagpas ika-10 ng gabi)
  • Voltes V
  • We are Never Ever Getting Back Together
  • Sasakyan Kita
  • Jealous
  • Skater Boy
  • If You Take Me
  • Love Me for a Reason
  • Buttercup
  • Crazy For You
  • Rolling in the Deep
  • Part of that World
  • Top of the World (sung twice)
  • Akin Ka Na Lang
  • Ang Pag-Ibig Kong Ito
  • Tameme
  • Boyfriend
  • Magasin
  • Your Love Keeps on Healing Me

Natapos (11:55 PM)

I will keep you updated next week

No comments:

Post a Comment

DISCLAIMER
The other contributing writers and members of this publication and our advertisers do not necessarily share the opinions of the writer of the article above. (Hindi nangangahulugan na sang-ayon ang mga ibang manunulat, miyembro ng babasahing ito at aming advertisers sa mga opiniyon ng may akda ng sanaysay na nakasulat sa itaas)

COMMENTS POLICY
Brun Philippines encourages readers to focus solely on the issues when commenting or criticizing. We do not allow foul language and personal attacks on any individuals. You may only comment on a public person’s beliefs and actions. We strictly screen people who will leave comments, and only comments from readers with full names will be posted. Freedom of speech also includes responsibility. We want to weed out the buffoons from the critical and freethinkers. Thanks so much.

(Hinihikayat ng “Teapot” (Tsarera) ang mga mambabasa na tumutok lamang sa mga isyung pinag-uusapan sa pagkomento o pagpuna. Hindi namin pinapayagan ang napakaruming wika at personal na pag-atake sa sinumang indibidwal. Maari lamang punahin ang aksiyon at paniniwala ng isang publikong indibidwal. Istrikto naming sinasala ang mga taong nagkokomento at tanging ang mga komento mula sa mambabasa na ginagamit ang buong pangalan ang aming ipapaskil. Kaakibat din ng kalayaan sa pananalita ang responsibilidad. Gusto naming alisin ang mga luko-luko mula sa kritikal at malayang mag-isip. Maraming salamat po.)

Follow by Email

NEVER AGAIN!

NEVER AGAIN!
Brun Philippines joins the nation in remembering the evils of Martial Law and the fight to bring to justice those who are responsible for the human rights violations and other atrocities committed

WHO DID OUR READERS CHOOSE?

WHO DID OUR READERS CHOOSE?
Click banner above to see full list of winners