Siguro ako ang may diperensiya sapagkat hanggang ngayon
ay hindi ako basta basta gaanong makapag-relaks sa isang lugar na aking
pinupuntahan para magbakasyon. Kahit maging sa isang marangyang lungsod o isang simpleng
lalalawigan, hindi ko nakaugaliang ibaling ang aking mga tingin sa ganda ng
lugar lamang. Hanggang ngayon ay napupuna ko pa rin ang hindi pantay ng buhay
ng mga Pilipino. Marahil dahil ako ay laking probinsiya at hirap. Nakatulong
din siguro ang pag-aaral ko sa isang pampublikong elementarya at ang pagsama ko
sa aking lola sa pagtitinda ng prutas sa palengke noong ako ay musmos pa. At
kahit dumating dati ang pagkakataon na lumaki ang aking sweldo, naging medyo
sosyal, at nagkaroon ng pagkakataong makabili ng kotse subalit pinili ko pa rin
makipagsapalaran sa pagsakay sa kalye tulad ng maraming Pilipino. Sa aking
pananaw, hindi magandang pamumuhunan ang magkaroon ng sasakyan. Alam ko na
medyo mapagmagaling ang dating ng aking pahayag subalit mas pinili ko pa ang
igugol ang ipon ko sa ibang bagay.
