Search This Blog

10 October 2015

"Paraisong Puno ng Bakod"

Potograpya ni Bianca Vicente.
Sinulat ni Rob San Miguel

Siguro ako ang may diperensiya sapagkat hanggang ngayon ay hindi ako basta basta gaanong makapag-relaks sa isang lugar na aking pinupuntahan para magbakasyon. Kahit maging sa isang marangyang lungsod o isang simpleng lalalawigan, hindi ko nakaugaliang ibaling ang aking mga tingin sa ganda ng lugar lamang. Hanggang ngayon ay napupuna ko pa rin ang hindi pantay ng buhay ng mga Pilipino. Marahil dahil ako ay laking probinsiya at hirap. Nakatulong din siguro ang pag-aaral ko sa isang pampublikong elementarya at ang pagsama ko sa aking lola sa pagtitinda ng prutas sa palengke noong ako ay musmos pa. At kahit dumating dati ang pagkakataon na lumaki ang aking sweldo, naging medyo sosyal, at nagkaroon ng pagkakataong makabili ng kotse subalit pinili ko pa rin makipagsapalaran sa pagsakay sa kalye tulad ng maraming Pilipino. Sa aking pananaw, hindi magandang pamumuhunan ang magkaroon ng sasakyan. Alam ko na medyo mapagmagaling ang dating ng aking pahayag subalit mas pinili ko pa ang igugol ang ipon ko sa ibang bagay.


Araw araw kapag nakikipag-agawan ka para sumasakay ng dyipni, tricycle, bus, at namamalengke sa talipapa, mas lantad ka sa tunay na kalagayan ng lipunan. Kaya nga naniniwala ako na dapat atasan ang bawat opisyal ng pamahalaan ng magbiyahe araw araw gamit ang pampublikong sasakyan at ipagbawal ang paggamit ng kotse maliban na lamang sa espesyal na okasyon. Kinakailangan maranasan ng mga matataas nating lider ang pang araw-araw na suliranin ng ordinaryong Pilipino. Hindi ba at pinagmamayabang natin na Kristiyanong bansa tayo. Kung ganoon, hindi ba dapat na tularan ng ating mga “Panginoon ng Pamahalaan” si Hesu Kristo. Bumaba sila sa trono at araw araw na makihalubilo sa masa hindi lamang kapag eleksyon o may midiang kukuha ng litrato.

Pero lumalayo ako sa paksa…

Sa aking pagbisita sa pulo ng Cagbalete sa may Quezon, una kong napuna ang kagandahan ng lugar tulad ng mga pino at halos kulay puting buhangin. Tubig na kulay akwamarin at mga mababait at mapagkumbabang tao ang sasalubong sa iyo. Subalit sa likod ng kagandahang ito, nakatago ang isang nakalulungkot na realidad.

Ang may akda at ang kaniyang kaibigan guro sa
isang pambublikong paaralan sa probinsiya.
Potographya ni Bianca Vicente
Nakilala namin ang dalawang batang ina na may edad na hindi hihigit sa 25. Kinse anyos pa lamang ay naging ina na sila. Ang dalawa ay nagtitinda ng mga subenir o mga pagkaing-dagat sa mga turista para pandagdag na pangtustos sa lumalaking pamilya. Ang isang babae ay may lima nang anak at hindi siya pinayagang mag plano ng pamilya ng kaniyang biyenan, na parang kumadrona noon. Nagpapaanak.  Ayon sa kaniyang biyenan, nakasasama daw sa kalusugan ang paginom o paggamit ng kontraseptib. Sino ang nagsabi nito? Lahat ba ng paraan ng pagpaplano ng pamilya ay masama at tanging natural na paraan ang dapat sundin? Noong namatay na lamang ang kaniyang biyenan saka niya inumpisahang magplano ng pamilya. Ang isa namang babae ay may anak na rin. Pareho masiyahin ang dalawang batang ina at nakikipagbiruan pa sa amin. Minsan nagigilti ako kapag tumatawad sa tinda. Ano ba naman ang konting dagdag na bayad? Sa ating taga-Maynila, ang 20 pesos ay walang silbi subalit sa taga lalawigan, malaking tulong ito. Nang tinanong ng isa naming kasama kung bakit marami silang anak, pabirong sinagot ng isa na ganado daw lagi si mister, isang “ganador.” Kaming lahat ay napatawa.

Hindi sapat ang dalawang araw para lubusang maunawan ang tunay na sitwasyon ng isang lugar. Aaminin ko na may pagka-ipokrita ang aking dating. Ano ba ang akala kong matutunan sa isang lugar sa loob ng maikling panahon. Subalit isang tingin lang sa isang lugar, may mga palatandaang nagpapahiwatig ng hindi pagkakapantay-pantay ng Pilipino. Huwag lang tayong magtanga-tangahan.

Nang naglalakad kami paputang pantalan ng Sabang, napansin ng isa kong kasama ang isang babae na may kargang sanggol. Mukhang kinse anyos pa lang ang dalaga. Tinanong ng aking kasama kung kapatid niya ang sanggol. Sumagot ang dalaga at sinabing anak niya daw iyon. Binanggit din ng aming guide na ordinaryo lang daw ang ganiyang kabatang ina. Hindi ko alam kung tama ang impormasyong binigay subalit ito ay isang palaisipan. Ang ganitong sitwasyon ba ay kanilang pinili o ito lang ang kanilang tanging mapagpipilian bilang babae. May napanisin rin akong nag-uusap na magkaibigan, isang homosekswal at isang babae. Pinag-uusapan nila ang nagdaang beauty contest. Tipikal? Ang beauty contest lang ang tangi at karapat-dapat na pagtuunan ng isang bakla? Palaisipan. Gayunman, baka naman masaya silang lahat at ako lang ang nag-iisip ng iba dahil nalinlang ako ng aking edukasyong maka-Kanluran. Kabilang na ba ako sa mga ipokritang turista tulad ng nakita kong mestisang babae sa Pagudpud na atat na atat maki-pag selfie sa mga mangingisdang humahatak ng lambat?

Ibinida rin ng aming guide na dati siyang nagtratrabaho sa isang resort. Inihahatid niya sa kaniyang bangka ang mga turista patungong Cagbalete. Nagbitiw daw siya sa resort dahil maliit ang binabayad sa kanila at tuwing alas 4 lang sila pinapakain ng almusal. Ito ang una at huling pagkain na binibigay sa kanila.

Sa akin din paglalakbay sa mahabang aplaya ng Cagbalete, napansin ko na may isang napagandang resort. Ang harapan ay puno ng mga kakaibang puno, sintulad ng mga punong pino (pine tree) at ang malaking bahay ay mukhang pangmayaman. May lubid na nagsisilbing bakod bilang tanda na hindi pwedeng pumasok ang sinuman. Marahil ito ay isang resort na hindi pa binubuksan o isang pribadong pag-aari ng isang taong mariwasa sa Cagbalete o baka naman taga Maynila. Hindi rin imposible na pag-aari ng isang mataas na opisyal ng pulo o ng lalawigan ng Quezon. Ganito ata ang Pilipinas. Isang bansang napapaligiran ng bakod. Minsan ay kitang kita ang bakod at minsan naman ay parang salikmata, hindi nakikita, subalit batid ng ordinaryong Pilipino kung anong lugar hindi sila pwedeng tumapak.

Kahit napaganda ng Cagbalete, kung bubuksan mo ang iyong mga mata, nakabakod ang isla tulad ng napakaraming isla sa bansa. Hindi kakaiba ang pulo ng Cagbalete. Tulad ito ng Boracay, mga pulo ng Palawan at iba pa. Sa ating bansa, ang mga mayayaman at makapangyarihan ang may kakayahang gumawa at magtibag ng bakod. Dito lang kayong mga dukha o ordinaryong tao.

Parating na muli ang halalan kung saan pare-parehong uri ng kandidato ang huminhingi ng ating boto. Mga parehong o lumang mukha, mga pare-parehong pangako at iba pa. May pagbabago pa ba? Kahit ang nag-aastang bago ay mukhang lumang trapo kung matapang mong huhubaran. Kung ilulukluk mo uli sa pwesto ang isang magnanakaw o may pansariling layunin, hindi ba siguradong magnanakaw pa rin siya?

Sa likod ng napakaraming paraiso sa bansa, maari mong ituring na refugee o kaya dayuhan ang mga napakaraming Pilipino. Nakatapak man sa lupang kanilang sinilangan, nakabakod naman at hindi lamang ang tinitirahan, pati ang pag-iisip. At kung pareho pa rin uri ng tao ang ating magiging mga lider, patuloy pa rin ang pagdami at pagpapatibay ng mga bakod sa ating kamalayan at buhay. Siguro hindi natin kailangan ang mga lider o tagapagligtas. Siguro mas kailangan nating iligtas ang isa't isa sa mga taong mahilig gumawa ng bakod?

KAUGNAY NA SANAYSAY
Si Mang Romeo, Isang Tour Guide sa Bundok Pinatubo
Cagbalete Under 2,000 Pesos (Travle Tips)

No comments:

Post a Comment

DISCLAIMER: The other contributing writers and members of this publication and our advertisers do not necessarily share the opinions of the writer of the article above.

Language Levels

Language Levels

TRAVEL VIDEO BLOG

A MOTO TRAVEL SERIES