Search This Blog

01 November 2014

Kwento ng isang First-Time Mommy

COVER STORY
Sinulat ni Marriane Bautista-Alcantara
Sa patnugot ni Rob San Miguel

Mula pa noon, sobrang mahilig na ako sa bata subalit hindi ko una gusto magkaanak. Alam ko na mahirap mag-alaga. Masarap lang silang laruin pero iba na kapag ikaw ang nag-aalaga buong araw. Naging parang pangalawang ina ako ng aking isang taong gulang na pamangkin nang pumanaw ang aking kapatid na babae noong 2004. Kahit noong buhay pa siya, ako na rin talaga nag-alaga sa baby niya.

Bago kami ikasal ng aking asawang si Chris, nakalimutan kong talakayin sa kaniya na ayokong magka-baby kaya noong sinabi ko na, sagot niya, “Hindi! Hindi pwede!” Siya ang unang ikinasal sa kanilang magkakapatid at magpipinsan kaya hindi pwedeng walang apo. Nais kong maging maligaya ang aking asawa kaya pumayag ako. Hindi ko na kinailangan magdasal. Nabuntis kaagad ako ilang buwan lang matapos naming ikasal. Napakaligaya ko noong nag-positive ang aking pregnancy test dahil alam kong magiging napakaligaya ni Chris.


Sa kabutihang palad, hindi ako maselan magbuntis. Wala akong kinahiligang pagkain o ano pa man. Parang hindi ako buntis. Ang pinakamahirap na naranasan ko lang ay noong ika-4 o 5 buwan kong pagbubuntis. Hindi ko alam kung anong pagkain ang tatanggapin ng aking sikmura. May mga panahon na o-order kami ng pagkain at titikman ko lang para malaman kung masusuka ako. Sa bandang huli, si Chris lahat ang kumakain. Nakakadismaya. Hindi ako makakain nang maayos. Hindi ko alam kung anong pwede kong kainin. Nagpapasalamat pa rin ako sapagkat wala akong tinatawag na morning sickness. Hindi ko rin naranasang magsuka. Nagtratrabaho pa ako noon sa isang public school habang pinagbubuntis ko ang aking baby na pinangalan naming Sachi kinalaunan. Panhik panaog ako sa hagdan ng aming paaralan pero hindi naman ako na-stress. Pag naninigas na aking tiyan, indikasyon na kailangan kong umupo at magpahinga. Pagod na si baby. Naghintay pa kami ng 39 linggo bago namin siya nasilayan.

Nakakapagod ang mga tanong na:
“Kailan ka manganganak?”
“Hala, bakit hindi ka pa rin nanganganak,” at iba pang mga tanong.

Kahit ako na-frustrate na din. Buti na lang at sinabi sa akin ng dating kaklase na hindi ko kinailangang mag-alala. Pag lalabas na si baby, lalabas sya. “Let him take his time.” Iyon na nga, noong ika-22 ng Mayo, dumating ang oras na aming hinihintay. Noong gabi, nag-spotting na ko. May pakonti-konting dugo na lumalabas sa akin kaya pumunta na kami sa emergency room. Sumasakit na ang aking tiyan. Naintindihan ko na yung tinatawag nilang “labor.”  Mataas ang tolerance ko sa sakit pero iba ito! Grabeng sakit! Hindi talaga maipipinta yung mukha mo. Isabay pa yung mga ibang bagay na nakakabwisit.

Halimbawa: Pagdating ko ng ospital, sinabihan ako na 1 centimeter pa lang daw. Tinanong rin ako kung gusto kong magpa-admit. Ten centimeters dapat daw bago ako mapaanak kaya nagdesisyon kaming umuwi muna ng bahay.  Sa bahay, magdamag kong tiniis yung sakit. Noong bumalik kami sa ospital ng mga ika-10 ng umaga, 4 centimeters na daw. Kailangan ko nang ma-admit. Sa sobrang sakit, sinabi ko na gusto ko painless childbirth kaya may sinaksak sa likod ko na tubo at doon ininject yung gamot. Painless nga talaga sya. May sakit pa rin subalit kaunti na lang. Kapag nawala ang bisa ng gamot, balik na naman sa napakagrabeng sakit. Pagod na ako. Alas kwatro na ng May 23 pero hindi pa rin bumaba si Sachi. Anim na sentimetro pa lang.

"Nagulat ako kasi ang gwapo niya
at ang puti pa! Bakit ang puti nya? 
Pagkatapos, nawalan na ako ng malay."
Nagdesisyon ang mga duktor na C-section birth ang gawin dahil sa laki ng aking tiyan. Sa totoo lang, napangiti ako nang narinig ko na CS. Pagod na pagod na ako. Noong dinala ako sa operating room, sobrang saya ko sapagkat ibig sabihin makikita ko na si baby. Gising ako habang hinihiwa ang aking tiyan at hindi katagalan, narinig ko ang unang iyak ni Sachi. Ipinatong sya sa dibdib ko. Nagulat ako kasi ang gwapo niya at ang puti pa! Haha! Bakit ang puti nya?  Pagkatapos, nawalan na ako ng malay.

Noong ako ay nagising, nasa ibang silid na ako kasama ang ibang pasyente. Kailangan maigalaw ko ang aking mga paa bago ako ilipat sa ibang silid na naman. Umabot ng dalawang araw bago ko nakita si Sachi. Badtrip sa ospital. Ang taas ng kama at sabay pa, inaalagaan ko si Sachi. Hindi ako makatulog nang maayos. Walang lumalabas na gatas sa akin kaya kapag umiiytak si Sachi, padededehin ko siya pero kapag nakikita kong frustrated na siya dahil wala siyang madede, nakikiusap ako sa ibang nanay na pinagpala sa dami ng gatas. Sa sa kanilang kagandahang loob, napadede si Sachi o kaya humihingi ako sa attendant ng breastmilk na nakalagay sa fridge. Naubos nga yata ni Sachi ang kanilang stock na breastmilk.

Kahit noong nakauwi na kami mula sa ospital, wala pa rin akong gatas. Wala akong choice kung hindi i-bottle feed siya. Masakit sa bulsa ang formula. Masakit din ang tahi ko. Gusto kong lumaklak lagi ng pain reliever sa sobrang sakit pero bawal iyon. Hindi ko magawang tignan yung tahi ko, parang nakakatakot.

"Sa tingin ko, kapag
tamad kang tao, wala kang
karapatang magka-baby."

Taas: Kasama si Chris, proud
and happy papa.
Baba: Sachi and me
Tulad ng maraming bagong ina, napagdaanan ko ang “postnatal depression” pero hindi naman grabe. Lagi akong umiiyak at lagi akong galit. Alam ko na “postnatal depression” ang nararanasan ko kaya nagbasa ako ng mga articles para malabanan iyon. Kinailangan kong may makausap para maisiwalat ang lahat ng aking naramdaman. Ang aking kaibigan na si Lovely ang aking naging sandalan. Mabuti na lang at mas nauna siyang manganak kaysa sa akin. Kapag may sinasabi ko sa kaniya ang aking pinagdadaanan, sinasabi niya na normal lang ang aking nararamdaman. Hindi ako nababaliw.

Sa tingin ko, kapag tamad kang tao, wala kang karapatang magka-baby. Opinyon ko lang. Having a baby will take much of your time. Kailangan mo lagi maghugas ng baby bottles, paarawan si baby sa umaga, paliguan siya, linisin ang pusod, timplahan ng gatas, labahan ang mga damit niya, matutulog ka lang kung kalian siya matutulog at iba pa. Ito ang mga panahon na iisipin mo, “Bakit ba ako nag-baby? Ang sarap ng buhay ko noong single ako.”

Mahirap na masaya maging nanay. Kahit isa akong working mom, sinisigurado ko na marami pa rin akong oras para kay Sachi. Tuwing weekends, gumigising ako ng maaga para tapusin ang gawaing bahay para kapag nagising si Sachi, tapos na ang lahat: linis ng bahay, saing ng bigas, hugas ng pinggan, laba at iba pa.

I can't imagine life without Sachi now. He is the reason why I look forward to Halloween, Christmas, children parties and so on. Kung wala siya, boring ang buhay. He gives me reasons to smile every day.

Ang cute niyang sumayaw, ngumiti, umiyak, mangulit, makipaglaro at iba pang bagay. Paborito ko yung tititigan ko siya at tititigan niya rin ako pagkatapos ngingiti bigla.  Kapag nangigigil siya, bigla niya akong yayakapin at hahalikan. Sobrang cute!

"I can't imagine life without Sachi now. He is the reason why I look forward to Halloween, Christmas, children parties and so on. Kung wala siya, boring ang buhay. He gives me reasons to smile every day."

Isang taon pa lamang si Sachi at alam kong marami pa akong hirap at sayang pagdadaanan bilang isang ina pero I am forever thankful to God for giving me the opportunity to be Sachi's mom. Sa lahat ng blessings na nakuha sa Diyos, pagiging mommy ni Sachi ang pinakapaborito ko.

PATALASTAS

Mayroon ka bang mga kwento bilang isang "first-time mom" o "first-time dad?" Maari mong ibahagi sa amin. Isulat ang inyong kwento sa Ingles man o Filipino. E-mail at robdpchair@gmail.com


2 comments:

  1. exciting yung story... he's so cute. cant wait to see him. mwah!

    ReplyDelete
  2. Totoo talagang walang kapalit ang trabaho ng isang nanay. Naalala ko nung buntis ako hanggang sa lumaki ang anak ko, grabe ang 24/7 na pag aaruga ko. Although mahirap, pero masaya maging isang nanay dahil accomplishment yun ng pagiging isang babae. Ganyan din ako nung first time ko, hirap na hirap pero normal yon. Anong brand ng milk nga pala iniinom mo? Sakin kasi Anmum Materna.

    ReplyDelete

DISCLAIMER: The other contributing writers and members of this publication and our advertisers do not necessarily share the opinions of the writer of the article above.

Language Levels

Language Levels

TRAVEL VIDEO BLOG

A MOTO TRAVEL SERIES