Search This Blog

01 October 2011

Ano sa Tagalog ang Condom? (What is Condom in English?)

Giacomo Casanova testing
his condom for holes.
Image part of public domain
Babala: May mga salitang maseselan at maaring hindi angkop sa mga bata

Itinanong sa akin kung ano ang Tagalog ng “condom.” Dili-hindi, maari na ring ituring na Tagalog na ang salitang “condom,” dapatwa’t iba lamang nga ang pagbigkas. Dapat matigas ang punto na parang Tagalog at walang halong pagbigkas na pahumal o “twang” sa wikang Ingles.

Marami nakisalo sa akin sa usaping pang-lingguwistikang ito.  Tulad nang inaasahan, may nagwika na “salungtamod” daw ang Tagalog ng “condom.”  Ngunit sa aking palagay, tila may kawalan ng haraya (o imahinasyon) ata ang salitang iyan. Ginamit na ang salitang “salo” o “salung” sa mga ibang bagay na hinahanapan natin ng katumbas sa Tagalog, tulad ng “salung-pwet” para sa “silya.” At pihado, narinig na ninyo ang may pagkabastos at may pagka-sexist na “salung-suso” para sa “bra.”  Marami na tayong narinig na mga iba pang linikhang salita na nagsisismula sa “salung.” Ayaw ko nang banggitin pa sila sa dahilang may pagkababaw ang antas ng mga salitang iyan.

Balik tayo sa usaping kinakaharap. Kahit mismo sa wikang Ingles, hindi batid ang tunay na etimolohiya ng salitang “condom.” Isang kuro-kuro ay nanggaling daw ito sa salitang Italiyano na “guantone,” ibig sabihin ay “gwantes” sa Tagalog at “glove” naman sa wikang Ingles.  Kung susundin natin ito, maari tayong bumuo ng bagong salita. “Guwantete” ang isa kong panukala. Subali’t may pagkabastos rin ito.

Sa wikang Latin, isa sa hinihinalang etimolohiya ng salitang “condom,” nagmula daw ang “condom” sa mga salitang Latin tulad ng “condon” (sisidlan), “condamina” (bahay) o “cundum” (kaha o baina).  Kung Latin ang ating magiging batayan, gamitin natin ang “basaysay” o isang hindi sikat na singkahulugan ng salitang “bahay.”  Idugtong natin ito sa “saya.”  “Basaysaya” ang isa pang maaring maging Tagalog ng “condom.”

Subalit ang aking pinakatanging mungkahi para sa Tagalog ng “condom” ay ang salitang “handahada.” Tumbok na tumbok niya ang pagka-haligutgot ng mga Pinoy pero hindi lantaran ang pagka-bastos.

Gamitin nga natin ang "handahada" sa pangungusap.

LALAKE:
“Sinta, nais ko sanang ikaw ay makapiling sa gabing maulan at kay lamig. Nais kong ipadama sa iyo aking irog, ang init at lakas ng aking pag-giliw sa iyo.  Sana’y ako iyong pagbigyan at ibsan ang aking pananabik na ikaw ay makapiling at mapanaog ang iyong nektar tulad ng isang masuyong bubuyog.”

 BABAE:
“O kay kisig na maginoo, basta ba’t  may handahada, magaganap na!"

______________

May iba pa ba kayong mungkahi na maaring katumbas ng salitang "condom"  sa Tagalog?Ang "condom" ay nagliligtas ng buhay. Gamitin. 
Isang pasasalamat kay Joel A na nagbigay sa akin ng ideya.


(First published in “The Chair” Blog. October 1, 2011)


No comments:

Post a Comment

DISCLAIMER: The other contributing writers and members of this publication and our advertisers do not necessarily share the opinions of the writer of the article above.

Language Levels

Language Levels

TRAVEL VIDEO BLOG

A MOTO TRAVEL SERIES