Sa patnugot ni Rob San Miguel
Mula pa noon, sobrang mahilig na ako sa bata subalit hindi ko una gusto
magkaanak. Alam ko na mahirap mag-alaga. Masarap lang silang laruin pero iba na
kapag ikaw ang nag-aalaga buong araw. Naging parang pangalawang ina ako ng
aking isang taong gulang na pamangkin nang pumanaw ang aking kapatid na babae
noong 2004. Kahit noong buhay pa siya, ako na rin talaga nag-alaga sa baby
niya.
Bago kami ikasal ng aking asawang si Chris, nakalimutan kong talakayin
sa kaniya na ayokong magka-baby kaya noong sinabi ko na, sagot niya, “Hindi!
Hindi pwede!” Siya ang unang ikinasal sa kanilang magkakapatid at magpipinsan
kaya hindi pwedeng walang apo. Nais kong maging maligaya ang aking asawa kaya
pumayag ako. Hindi ko na kinailangan magdasal. Nabuntis kaagad ako ilang buwan
lang matapos naming ikasal. Napakaligaya ko noong nag-positive ang aking
pregnancy test dahil alam kong magiging napakaligaya ni Chris.
