Search This Blog

11 May 2016

"Isa Ka Lamang sa Napakaraming Turista" (Calaguas, Camarines Norte) Isang Sanaysay

Sa bawat aking paglalakbay, sinisigurado ko na may makausap akong tubo sa isang lugar. Kalimitan, sa kanila ko nalalaman ang tunay na sitwasyon ng isang lugar. Marahil mukha man mistulang paraiso ang isang pook subalit ito ay balot lamang at nakatago ang tunay na realidad. Sa aming pagbisita sa pulo ng Calaguas, nakausap ko ang aming bangkero. Hindi ko isisiwalat ang kaniyang pangalan para sa kaniyang proteksyon at paggalang sa kaniyang praybasi. Tinanong ko siya kung ilan ang kasya sa isang bangka sapagkat parang higit na marami ang sakay sa laki ng bangka. Naka-upo na nga kami ng isa kong kaibigan malapit sa makina. Sagot ng aming bangkero na hindi pa naman umabot sa overloading. Tinanong ko nang palihim kung magkano ang kinikita nila. Ayon sa kaniya, 800 piso lamang ang bayad sa kanila papunta at pabalik sa isla. Hindi 800 piso kada biyahe, kung hindi dalawang biyahe (hatid at sundo). Mukhang paghahatian pa nila itong magkakasama sa bangka. Ibig sabihin, hindi hamak na mas malaki ang parte ng mga tour company. Sabi rin niya na kung minsan, nagbibigay ng dagdag na isang daan piso ang isa sa mga pasehero at malaking tulong na raw ito sa kanila. Nagtitinda rin ang iba sa kanila ng ice buko mismo sa bangka. Bumili ako. May isang magkasintahan na bumili rin matapos makitang kumakain ako. Noong nakabili na ang nobyo, inalok ito sa kaniyang nobya subalit ang sagot ng nobya, “I don’t want that!” Sagot ng nobyo, “Babe, I thought you want some.”

Tinanong ko rin ang aming boatman kung ano ang karaniwang nilang kabuhayan. Sabi niya na pangingisda ang kanilang pangunahing pinagkukunan ng kita subalit paghahatid at pagsundo ng mga turista ang kanilang inaatupag kapag panahon ng tag-init.

Sa pulo rin ng Calaguas, mapanpansin mo na simple ang pamumuhay ng mga lokal na tao. Bakas sa kanila ang pagiging masayahin at minsan nga habang kami ay naglalakbay, binabati kami ng mga ilang bata. Ang iba sa pulo ay kumikita sa pagtitinda sa mga turista. Ang iba naman ay nagsasalok ng tubig para magamit sa banyo na ginagamit ng mga turista. Ang ibang turista pa nga ay maarte at nagrereklamo sa bagal ng pagpuno ng tubig. Wala rin kuryente sa lugar at tuwing gabi lamang nagkakaroon. Hindi ako isang daang porsyentong sigurado kung tama nga ito subalit sa aming pagbisita sa Calaguas, nagkaroon lang ng kuryente ng gabi. May mga solar panels naman na ginagamit sa ibang lugar.

May mga “fire dancer” din sa Calaguas, at matapos ang kanilang pagganap, narinig ko yung isang “fire dancer” habang nakaupo sa buhangin. Sabi niya, “Pare, muntik na akong masabugan ng gaas sa mukha.” Sa aking pagmumuni-muni, tanong ko sa sarili, “Taga-Calaguas din ba siya? Magkano kaya ang bayad sa kaniya? Ano kaya ang kaniyang pangunahing trabaho? Nag-aaral ba siya?”

Sa aming pag-uwi, ako ay nalungkot na ibang bangka ang aming sinakyan at hindi ko na makakausap muli ang bangkero na aking nakahalubilo noon. Subalit natanaw ko ang kaniyang bangka at tulad ng dati, halos 40 katao ang sakay. Marahil, hindi na niya rin naman ako maalala. Marahil sa kanila, isa lang akong maarte at nagmamarunong na turista na matapos magliwaliw sa paraiso, makakalimutan rin ang mga tao sa Calaguas. Tanging ang magagandang tanawin lamang ang mapagbibigyan pansin. Sa ating mga turista, mas mahalaga siguro ang dalampasigan, bundok, burol, mga pulo at ang kagandahan ng paglubog at pagsikat ng araw, at siempre, ang “selfies.”

No comments:

Post a Comment

DISCLAIMER: The other contributing writers and members of this publication and our advertisers do not necessarily share the opinions of the writer of the article above.

Language Levels

Language Levels

TRAVEL VIDEO BLOG

A MOTO TRAVEL SERIES