Hakbang
Ika-17 Nobyembre 2015
Dahan-dahang pagmulat
ng mga matang tanging
ikaw
ang ibig mamasdan.
Dito sa lamig ng damuhan
habang nakahiga sa
pagod,
sa wala na nga bang
kabuluhang paglalakbay,
galing sa kung saan
sa patutunguhang di na
alam.
Dahil sabi mo ng walang
pasintabi na paalis ka
na.
Para kanino pa ba
gagalaw,
huhugot ng hininga,
kikibot ng labi?
Kung sa patuloy na
pagbago ng panahon
ay di ka na makikita,
di na mayayakap nang
biglaan
habang nagkakantahan,
O mahahalikan kahit sa
pisngi lang, kaibigan.
Sana bago ka lumisan
at iwan itong hindi pa
nasisimulan
ay matulungan akong
muling makakilos,
makarinig, makangiti.
Mamutawi sa mga labi
ng walang kurot sa puso
ang pansamantala lang
sanang pamamaalam,
at hindi ang tuluyan nang katapusan
ng paghakbang.