Search This Blog

27 April 2013

Si Mang Romeo, Isang Tour Guide sa Bundok Pinatubo


Si Mang Romeo ay isa sa mga maraming tour guide sa Bundok Pinatubo.  Apatnapu’t dalawang taong gulang (42) na at may anim (6) na anak, labing pitong gulang (17) ang pinakamatanda.  Mga dalawang beses sa isang buwan lamang siya nakakapag-gabay ng turista dahil may sinusunod silang sistema.  Nakalista ang mga pangalan ng mga tour guide at batay sa bilang, duon pipiliin ang mga susunod na mag-gagabay sa mga turista. Patas ang sistema para mabigyang pagkakataon ang bawat isang tour guide.


430 piso ang naiuuwing kita ni Mang Romeo sa bawat isang trip.  May bawas na ito mula sa Barangay bilang kuntribusyon para sa Health Insurance ng mga tour guide. Dati ay 300 piso lamang ang kinikita ng bawat isang tour guide. Ayon sa aming kaibigang tubong Tarlac, maganda na ang kitang 430 sa probinsya. Napakalaking tulong ito.

Magsasaka si Mang Romeo at dagdag kita lamang ang pagiging tour guide.  Nagtatanim siya ng gabi at kamote.  Paminsan minsan ay nagtratrabaho naman siya ng arawan sa ibang sakahan.  Depende sa ani, maaring kumita siya ng 1,000 libong piso.

Sumabit lamang si Mang Romeo sa likod ng aming 4-wheel drive na sasakyan. Sigurado ako na nalanghap na niya ang mga alikabok.  Sanay na siguro.  Bakit kaya hindi siya maaring sumakay sa loob?  Hindi kakasya si Mang Romeo sa aming sasakyan subalit hindi ko siya natanong kung ano ang kaniyang pananaw na nakasabit lang ang mga tour guide sa likod ng sasakyan lalo na kapag may bubong ito.  Inisip ko, kapag nakabitaw lang nang sandal si Mang Romeo at sa bilis nang takbo ng sasakyan, maari siyang mahulog at madagok ang ulo sa mga naglalakihang bato.  Paano na kaya ang kaniyang pamilya?

Magaang makasama si Mang Romeo. Walang kareklamo-reklamo at maaninag mo ang positibong pananaw sa buhay. Sa ating mga maaarteng taga-siyudad na sobrang taas ng ere dahil may “pinag-aralan kuno,” siguro ilan sa atin ay maawa kay Mang Romeo subalit hindi ko nabakas kay Mang Romeo ang hirap ng buhay. Marahil ay hindi ko pa siya lubos kilala at maikli lamang ang aming pagsasama. Kalimitan pa nga ay hindi namin siya napapansin dahil sabik kami sa kagandahan ng kapaligiran.  Ginawa pa nga naming photgraher si Mang Romeo at maganda ang kaniyang mga kuha.  Malay natin, kung hindi naging magsasaka si Mang Romeo, baka isa siyang magaling na photographer at baka mahilig din siyang mag-trek.

Nang tuluyan nga kaming nagkahiwalay, kumaway pa siya kahit malayo na kami.  Salamat po Mang Romeo.


Bilang isang Buddhist, naisip ko, sana sa susunod na buhay, isang mabuting alkalde na siya ng Capas Tarlac o kaya ay isang mambabatas na taga Tarlac at gagawa siya ng mga batas ayon sa kapakanan ng mga magsasaka.  Ako naman ay isang 4x4 car driver at babangain ko ang mga nakakainis na mga feeling “sosyalera’t sosyalero” at magdadahilan na  lang ako na, “Grabe, sorry ha, naisip ko kasi si James, kaya I didn’t see you. Send me na lang the medical bill, pwede? Yaya, ang check book!”

No comments:

Post a Comment

DISCLAIMER: The other contributing writers and members of this publication and our advertisers do not necessarily share the opinions of the writer of the article above.

Language Levels

Language Levels

TRAVEL VIDEO BLOG

A MOTO TRAVEL SERIES