Search This Blog

27 April 2013

Travel Guide: "Mount Pinatubo Crater Lake"

KABUANG BUDGET
Pamasahe (Aircon Bus) Cubao to Capaz, Tarlac: P170 to P180 (papunta’t pabalik = P340 to P360)
Tour Package: P1,750 per person (Contact person, Sonia Bognot, 0932-6094226)
- kasama ang hatid ng tricycle sa base camp at pabalik
- renta sa 4x4 vehicle
- breakfast, lunch, at post-trek meal
- bottled water
Extra: P200 - para sa Aeta Community

SUMA TOTAL: P2,290 to P2,310 per person
Para sa kumpletong mga mga litrato (For the complete picture gallery) Pindutin ito

MGA DAPAT DALHIN
  • Trekking shoes o slippers
  • Malaking bandana [big scarf] o anumang pantakip sa mukha at ulo para sa alikabok
  • Sombrero [hat] para sa alikabok at init
  • Sunglasses
  • Sun block [kung ayaw umitim]
  • Tubig [kung hindi kasama sa inyong bayad]
  • Energy snack
  • Kamera
  • Maliit na twalya o pamunas
  • Extra shirt at short para pampalit
  • Gamot [sa pagtatae, band-aid, alcohol o povidone-iodine]
  • Kaibigan o pamilya
  • Bukas na pag-iisip
  • Sense of humor
Google Earth. We were there!
DAPAT MALAMAN AT DAPAT GAWIN
  • Oktubre ang pinakamaraming dumadalaw na turista dahil pinagbabawal ang trekking mula Hulyo hanggang Setyembre, tag-ulan
  • Mas mainam maglakbay ng buwan ng Enero at Pebrero, malamig ang panahon
  • Mas kakaunti ang tao kapag Lunes hangang Biyernes
  • Walang cell phone signal sa Bundok Pinatubo
  • Hindi gaano importante ang walking stick (P20 to 25 ang halaga)
  • May bayad ang CR sa base camp (P10)
  • May paliguan din  
  • Malaki ang posibilidad na mauntog kayo sa bubong ng inyong 4x4 na sinaskayan kaya ingat
  • Mabilis magpatakbo ang driver ng 4x4 dahil may hinahabol na oras kaya kapit
  • Pagdating sa unang stopover sa may Aeta Community Outpost, makisalumuha sa mga ating mga kapatid na Aeta pero huwag mang-lait.  Huwag sabihin maputi na kayo kumpara sa kanila.  Itigil na ang mga “Bubble Gang-type of racist jokes.” Kausapin sila bilang tao.
  • Bumili ng saging na tinda ng mga  Aeta [natural energy food siya. Iyan ang kinakain ni Chris Hemsworth noong nag-eensayo siya para sa pelikulang “Thor.”]
  • May babayaran kayong extra P200 na mapupunta sa Aeta Community.  Ibabayad ninyo ito sa inyong tour operator bago mag-trek at bibigyan kayo ng resibo (sana).
  • Bawal lumangoy o magtampisaw sa Lawa ng Pinatubo. Kung linabag ninyo ang alituntunin na ito, masususpindi ang inyong tour guide at tour operator. 
  • Kausapin ang inyong tour guide at driver. Alamin ang mga simpleng impormasyon tungkol sa kanilang buhay.
  • Huwag magkalat. 
  • Huwag mag-inarte, wala ka na sa siyudad
  • Magmasid at matuto
  • Maging alerto kapag may nagparamdam na turista na gusto niya makuha number mo, baka masyado kang busy sa kapaligiran, na miss mo ang oportunidad (talking from experience J)
Biyaheros from left to right: Jae, Rob, Carol, Renan and Gwen
Madali lamang ang pagpunta sa Bundok Pinatubo.  Maraming mga iba’t-ibang mga tour packages ang mayroon sa internet, mula sa pinakamura sa pinakamahal.  Nasa sa inyo kung ano sa inyong palagay ang mas bagay sa inyong grupo.  Depende iyan sa inyong budget, oras at iba pa. 

Sa aming paglalakbay, si Carol ang bumuo ng buong trip.  Siya ang pumili ng murang tour package at siya na rin ang nag-deposito sa bangko para sa downpayment. Habang nasa biyahe, si Carol na rin ang nakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng text messages sa aming tricycle driver na sasalubong sa amin sa Capaz, Tarlac at daldalhin kami sa base camp (Satellite Municipal Tourism Office).

Balikatan
Dahil mayroon Balikatan Military Exercises ng mga hukbo ng U.S. at Pilpinas malapit sa Pinatubo, kinakailangang makarating kami sa base camp ng mga 6:00 o 6:30 A.M. Hindi na raw magpapapasok ng mga turista sa lugar paglagpas ng 6:30 A.M.  Kinakailangang makarating kami ng Tarlac ng mga 5:30 A.M. para mahatid naman ng tricycle sa base camp at makarating sa takdang oras.

Dahil pinili naming magbiyahe sa bus imbes na sunduin ng isang van mula Quezon City papupuntang Tarlac, sumakay kami ng bus sa may Cubao. Umalis ang bus ng mga 2:30 A.M. Nakarating kami ng mga halos 4:45 A.M. Dahil napaaaga ang aming pagdating, kami ay tumuloy muna sa bahay ng isang kaibigan, si Renan, sa Tarlac at iniwan ang mga gamit.

Sa mga maglalakbay naman na walang kakilala sa Tarlac na matutuluyan at plano lamang ang “one day trek” sa Pinatubo, mas mabuting kaunti lamang ang dalhin na gamit para magaan ang dadalhin.

Nakarating kami sa base camp ng mga 6:30 A.M., halos mga 30 to 45 minuto mula sa Capaz.  Duon, nakita naming ang aming tour operator.  Nagbigay siya ng isang maikling orientation sa grupo.  Matapos, ibinigay na sa amin ang mga bottled water, breakfast set at lunch set na nakalagay na sa mga Styrofoam boxes.  Kasama lahat ito sa bayad. Pumirma rin kami ng isang waiver: isang tipikal na waiver lamang na nagsasaad na anumang mangyari sa amin sa trek at hindi pananagutan ng mga tour operators at guides. 

Matapos ang lahat.  Umalis ang aming tour operator at nakipag-usap naman sa mga tour guides.  Sa bawat 5 tao, isang 4x4 vehicle ang ibibigay at isang tour guide.  Kung kayo at gutom na, habang hinihintay ang inyong tour guide, kumain na muna ng almusal.  

Nang bumalik ang aming tour operator, pinakilala sa amin ang aming tour guide na si Mang Romeo. Tinuro na rin ni Mang Romeo ang aming 4 x 4 vehicle na gagamitin sa trek. 

Pila pila
Nakapila ang mga mararaming 4x4 vehicle sa gilid ng kalsada.  May mga saksakyang walang bubong. Ito ay mainam kung gusto mong kumuha ng litrato habang nagbibiyahe subalit malalantad ka naman sa alikabok at init ng araw.  Siempre, mas gusto ng karamihan ang open vehicle para may 360 degrees view ka sa kapaligiran.  Ayon sa patakaran, hindi pwedeng mamili ng saskayan. Nakapila at may number. Swerte mo na lang kung matapat ka sa maganda at matinong saksayan.  Minalas kami sapagkat may bubong ang natokang saksakyan sa amin. May problema din sa makina o baterya ang saksakayan dahil hindi kaagad-agad umuusad at kailangang itulak o hatakin para umandar.

Si Mang Romeo ay isa sa mga maraming 
tour guide sa Bundok Pinatubo.  Apatnapu’t 
dalawang taong gulang (42) na at may anim (6) 
na anak, labing pitong gulang (17) ang 
pinakamatanda.  Mga dalawang beses sa isang 
buwan lamang siya nakakapag-gabay ng turista 
dahil may sinusunod silang sistema.  Nakalista 
ang mga pangalan ng mga tour guide at batay 
sa bilang, duon pipiliin ang mga susunod na 
mag-gagabay sa mga turista. Patas ang sistema 
para mabigyang pagkakataon ang bawat isang 
tour guide. 

READ MORE
Dagdag pa, hindi inalis ng driver ang reserbang gulong (spare tire) sa loob ng sasakyan kung kayat hirap kaming maupo sa loob dahil nasa gitna ang malaking gulong. Sana man lamang ay ilinagay ito sa bubong para maluwag sa loob.  Matagtag at matagal ang biyahe mula sa base camp papuntang Crater Lake ng Pinatubo, kaya dagdag pahirap ang hindi kumportableng pag-upo. Hindi man lang namin magalaw ng maayos ang aming mga paa. 

Sana ay sinusuri muna ang mga 4x4 vehicle bago magbiyahe para sa kapakanan ng mga naglalakbay.   

Ang nakakainis pa, nangingibabaw na naman ang “sosyal” attitude.  Tanggap na namin na hindi ka makakapili ng 4x4 vehicle.  May pila. Mainam na ito para pantay at makatarungan. Subalit may isang grupo na pawang may mga “American accent” (with their North Face bags and outfit and all) ang nakiusap na kung maari ay open truck ang makuha nila.  Ang akala ko ay hindi sila pagbibigyan. Fair is fair, di ba? Subalit bigla ko na lang nakita na may isang magandang open truck ang umalis sa pila at lumapit papunta sa mga grupong “sosyal.”  Sumakay sila at bumiyahe na ang 4x4. Pak shet!  Siguro magaling lang silang makipagkasundo o malakas ang tour operator na ginamit nila.  Iba talaga ang nagagawa ng “accent” at “naturally fair skin.” Nagsisisi ako dahil hindi ko ginamit ang aking Cambridge accent o ang aking Prince William accent baka helicopter ang nasakyan namin.  Sa kasamaang palad, Kapampangan at Tagalog accents lang ang aming ginamit.  Hay, ang Pinoy talaga!

Subalit dahil may kasama kaming Kapampangan, may mga impormasyon kaming nakuha na “eksklusibo!” (Wika nga ni Boy Abunda.)

Sa kabuuan, napakagandang karanasan ang paglalakbay sa Bundok Pinatubo at masilayan ang Lawa sa bunganga nito.  Isang karanasang magpapatibay sa inyong pagkakaibigan.  Kung kasama mo ang iyong pamilya, maari rin itong maging isang mahusay na “bonding experience.”  Ang lawa ng Pinatubo ay isa rin simbolo.  Sa harap ng trahedya at kalamidad, lumalabas ang natatagong kagandahan at katapangan.

Sana man lang sa ating pag-akyat sa bundok, hindi natin makalimutan na ang buong Pinatubo ay pag-aari ng kalikasan na dati ay nasa pangangalaga ng ating mga kapatid na Aeta.  Hindi ito pag-aari ng anumang pribadong kumpanya.  Bukod sa lahat, isipin rin natin na kung minsan nang binawi ng kalikasan ang kaniyang biyaya, maari niya uli itong gawin ng walang paalam sa ating mga tao.

Suma total, nakikitira lang tayo sa daigdig, mayaman man o mahirap, maitim man o maputi. Ito ang mensahe ng Bundok Pinatubo.


Bilang isang side-trip, maari ninyo rin bisitahin ang Capas National Shrine para sa matatapang na sundalong Pilipino at Amerikano na napabilang sa Death March. Nagtapos ang Death March sa Capas, Tarlac.



No comments:

Post a Comment

DISCLAIMER: The other contributing writers and members of this publication and our advertisers do not necessarily share the opinions of the writer of the article above.

Language Levels

Language Levels

TRAVEL VIDEO BLOG

A MOTO TRAVEL SERIES