Search This Blog

28 April 2013

Nalibot Ko Na Ang Mundo: Maikling Travelogue ng isang Breadwinner

Image part of
public domain
Paminsan minsan nangangarap akong makapaglakbay sa ibang bansa. Marating ang India at makita ang Taj  Mahal. Makaabot sa Pranses at lasapin ang mga masasarap na pagkain. Mabisita ang museo ng Louvre at masilayan ang Mona Lisa. Kung talagang papalarin, nais ko ring marating ang tuktok ng Bundok Everest.

Subalit sa tulad kong isang breadwinner na tumutulong sa pang-araw-araw na tustusin ng pamilya, halos wala nang natitira sa aking sweldo. Siguro kung ako’y isang suwail na anak, at hindi ako mag-abot ng pera ng kahit tatlong buwan lamang, maari na akong makapaglakbay sa Cambodia para makita ang Angkor Wat o bisitahin ang pinakamalaking istatwa ng Buddha sa Tsina.

Subalit tulad ng mga napakaraming breadwinners, ang aking tahanan ang aking mundo.  Ang aming kusina ay ang bansang Pranses kung saan naamoy ko ang masasarap na pagkain aming linuluto.  Ang aming sala ay ang Piazza Navona sa Italya kung saan napakaraming mga bisita at kaibigan ang dumadalaw.  Ang aking silid ang tutok ng Bundok Everest kung saan ako maaring mag-isa, magmuni-muni, at makapagtunggali sa mga diyos.  Ang aking ina ang aking Mona Lisa, nakangiti.

Hindi ako nanghihinayang manatili sa apat na sulok ng aking tahanan sapagkat ang tunay na daigdig pala ay hindi laging isang napakalaking bolang bato na nakalutang sa kalawakan.  Ang mundo pala ay maari ring sinliit ng puso. (Sinulat ni Rob San Miguel)


2 comments:

DISCLAIMER: The other contributing writers and members of this publication and our advertisers do not necessarily share the opinions of the writer of the article above.

Language Levels

Language Levels

TRAVEL VIDEO BLOG

A MOTO TRAVEL SERIES