Sanaysay (Linathala noong ika-7
ng Setyembre, 2013)
May
magsasabi na ang malawakang pagtitipon-tipon sa Luneta noong ika-26 ng Agosto,
2103 ay isang malaking pulong ng mga ordinaryong mamamayang Pilipino laban sa
katiwalian sa gobyerno. Ang pagtittipon
ay pagpapahayag ng galit ng ordinaryong Pilipino sa maling paggamit ng PDAF o
pork barrel subalit kung naroon ka sa Luneta, may mga ilang bagay kang
mapapansin.
May mga
nakita akong mga taong nakikinig sa mga talumpati habang pinapayungan ng mga
ilang taong naka-uniporme. Klaro na sila ay mga mayayamang indibidwal na hindi
dapat mainitan. May mga tao namang nagpapakuha ng litrato at ang demonstrasyon
ang kaniyang background. Siyempre, naroon din ang mga kabataang mahilig
mag-selfie. May mga ilang tao na dinala ang kanilang mamahaling alagang hayop.
May mga ilang nakakagiliw na aso pa nga ang naging sentro ng atraksiyon at pinagkaguluhan
ng mga tao at kinuhaan ng litrato.
Siyempre,
may mga sapat na bilang naman ng mga ordinaryong tao sa Luneta. Sa bawat sulok
ng parke, may iba’t ibang uri ng pagtitipon. May sayawan at tugtugan ng
makabago at katutubong musika, parang pista ng bayan. Sa isang araw, mukhang naghari
ang mamamayan laban sa gobyerno.
Subalit
mapanpansin mo, kung talagang gusto natin maging prangka, na ang
pagtitipon-tipon sa Luneta ay isang demonstrasyon ng mga middle class sa bansa.
Marahil ang pinahalatang mahihirap na
nakita ko sa Luneta ay hindi nakikisalo sa protesta subalit patuloy pa rin sa pagtratrabaho,
tulad ng magtataho, ang mga nagtitinda ng mais at ilang kakanin, si manong na
nagbebenta ng cotton candy at si manang na nagtitinda ng tubig.
Napansin
ko rin na ang mga militanteng grupo ay nasa isang lugar lamang kung saan iba
ang nilalaman ng kanilang talumpati. Noong
naka-upo ako sa isang tabi malapit sa talumpati ng mga ilang grupo, nakatabi
ko ang mga trabahador ng Luneta Park.
Biglang sumigaw ang isang trabahador bilang sagot sa mga talumpati, “Walang
kwenta iyan! Itaas ninyo muna ang sweldo namin. Tagal na naming dito sa Luneta,
ngayon lang kayo dito ah!”
Noong
natapos na ang pagtitipon-tipon, pinasya kong lumakad paputang Malate Church
para makita muli ang rebulto ni Raha Sulayman na na huli ko pang nakita noong
2007. Sara ang ilang bahagi ng Roxas
Boulevard kung kayat naglalakad ang mga tao sa gitna ng kalye, puwera sa
kabilang bahagi ng Roxas Boulevard malapit sa American Embassy at Manila Bay.
Bawal ang tao doon. Napansin ko rin na
tila iba ata ang karamihan ng mga taong naglalakad pauwi sa may Roxas Boulevard.
Mukhang may kaya kung ibabase ko sa pananamit, pananalita, mga hawak na cell
phones at DSLR camera. May mga grupo ng
mga kabataan na narinig ko na nagwika, “Let’s go to Starbucks, malapit lang yun
dito.”
Maaring
may mga ilang magagalit sa akin subalit sa aking pananaw, nagkaroon ng malakihang
protesta na ganito dahil ang ninanakawan na ay ang mga middle class (mula lower
hangang upper middle class), ang mga nagbabayad ng mga buwis.
Sabi nga
ni Manong tindero sa may Luneta, “wala naman pagbabago, ilang demonstrasyon na
ang nakita ko. Bobo kasi yang si
Napoles, ang mga mayayaman ang mga tinabla.”
Marahil
ang “Million March” sa Luneta noong ika-26 ng Agosto ay unang hudyat ng darating
na EDSA III, lalo na kapag walang magandang mangyayari sa imbestigasyon tungkol
sa pork-barrel sa Kongreso. Marahil kung
magkakaroon man ng EDSA III, malaki pa rin kaya ang impluwensya ng Simbahang
Katoliko kung ilan sa miyembro nila mismo ay nakinabang “daw” sa maling
paggamit ng pork-barrel?
Napabalita
na sa darating na kilos-protesta sa ika-11 ng Setyembre, hindi makikilahok ang
mga ilang netizens (na kinabibilangan ng mga kabataang middle class). Ito ba ay
sinyales na wala nang kredibilidad ang Simbahan. Mas magiging mas sekular na ba ang darating
na EDSA III? Sa EDSA pa kaya ito mangyayari o sa Luneta kung saan pinatay ang
kauna-unahang bayani ng mga middle class na si Jose Rizal? Sana duon. (Click pictures to enlarge)
|
Umpisa Na |
|
Nahati sa Gitna |
|
Nakatingin sa Malayo |
|
Puppy-razzi |
|
Superstar |
|
Cotton Candy Lang ang Matamis |
|
Dok Ortega |
|
Stylish ang Diyos |
|
Si Mama Mary at ang mga Musmos |
|
Background sa Selfie |
|
Break Muna Kami sa Selfie Ninyo |
|
Hindi Tuwid |
|
Kalahati Pwede |
|
Paturong Raha |
Photography by Rob San Miguel (Camera: Olympus E-410)
No comments:
Post a Comment
DISCLAIMER: The other contributing writers and members of this publication and our advertisers do not necessarily share the opinions of the writer of the article above.